Kasabay ng pagmodernisa ng panahon ang patuloy ring pagbabago sa larangan ng edukasyon. Bilang patugon sa pangyayaring ito, ang Department of Education (DepEd) ay nagpaplanong maglunsad ng Personalized Learning Method kung saan kalakip nito ang integrasyon ng Artificial Intelligence (AI) sa edukasyon. Malaking hakbang ito tungo sa pag-abot sa layuning mapaalwan ang pagkatuto ng bawat mag-aaral sa lahat nang pagkakataon.

Sa kasalukuyang lagay ng edukasyon sa Pilipinas, makikita ang malaking pangangailangan sa makabagong mga ideya. Batay sa resulta ng isinagawang pagtatasa ng Programme for International Student Assessment (PISA), isa ang bansa sa mga low ranking countries. Kaugnay nito, ang paglalakbay sa mga bagong pamamaraan, tulad ng paggamit ng AI ay makatutulong upang ang bawat mag-aaral ay makasabay sa patuloy ring pagmodernisa ng mundo.

Dagdag pa rito, maaaring makahanap ng bagong paraan sa pagkatuto ang bawat isa habang mayroong gabay mula sa AI. Ayon kay Dr. Maria Letisia Pasigan, ang Education Program Supervisor ng Schools Division of Batangas, ang edukasyon ay kapangyarihan at kinakailangang magkaroon ng kaalaman, maging ito man ay sa paraang hindi natin nakasanayan. Sa paraang ito, makakapaghanap ang mga estudyante ng paraan ng pagkatuto o study method na mas epektibo para sa kanila.

Higit pa rito, malaking tulong ang AI sa panahon kung saan isinasagawa ang ibang learning modility tulad ng Modular Distance Learing (MDL). Dagdag pa ni Dr. Pasigan, marapat lamang na magkaroon ng learning continuity kahit sa panahon ng sakuna. Dahil dito, malaking kaluwagan ang pagkakaroon ng pansamantalang gabay mula sa AI, habang hindi pa nagkakaroon ng pagkakataon na matuto mula sa mga guro at sa tradisyonal na paraan.

Sa kabilang banda, ang pagiging dependent sa AI ay isa sa mga hamon na maaaring harapin ng nasabing programa. Sa pagpapatupad nito, maaaring tuluyan nang iasa ng mga mag-aaral ang kanilang mga gawain dito at mawalang tuluyan ang kakanyahan at tunay na layunin ng edukasyon.

Gayunpaman, malinis itong natakpan ng DepEd sa paglilimita ng mga gawain na maaaring gawin dito. Ani Dr. Pasigan, ang AI ay magsisilbi lamang na gabay, kung kaya’t ito ay may malaking pakinabang at isang mabigat na responsibilidad.

Sa kabuuan, ang pagbabago— sa iba’t ibang aspeto ay mahalaga upang maabot ang tunay na mga layunin ng bawat isa, para sa sarili at nakararami. Ang integrasyon ng AI ay marapat lamang na suportahan ng pamahalaan, gayundin ng mamamayan. Kaya naman, ang departamento ay dapat magpatuloy sa pagpapairal ng mga proyektong tulad nito at iba pang maaaring makatulong sa pagkatuto, gaya ng paglipat ng pokus sa tradisyonal hanggang sa makabago at updated na paraan ng pagtuturo. Sa sama-samang pagkilos tungo sa inobasyon, maaabot natin ang hinahangad na kinabukasan.

Unos ni Dorothy C. Rosales

Aral o Pag-iral

Gumising sa natutulog na diwa ng mga mamamayan ang nagdaang mga sakuna na nagdulot ng sunod-sunod na pagkansela ng face-to-face classes at paglipat sa Modular Distance Learning (MDL) at iba pang learning modality. Hindi katanggap-tanggap ang aksiyon ng Department of Education (DepEd), lalo na sa mga pagkakataon na ang mga mag-aaral ay dumadaan sa panahon ng paghihirap.

Nagdeklara ang DepEd ng suspension ng klase, bago at pagkatapos ang pananalasa ng bagyong Kristine. Higit na nakapukaw sa atensiyon ng mga magulang at mag-aaral ang biglaang paglipat sa MDL, kahit sa araw pagkatapos mismo ng pananalasa ng bagyo. Tila nalimutan ng departamento na maraming mag-aaral ang apektado sa iba’t ibang pamamaraan.

Sa aking palagay, ang ginawa ng DepEd ay isang makasariling kilos. Hindi man lang nila naisip at isinaalang-alang ang kalagayan ng mga mag-aaral na maaring nawalan ng tahanan o mahal sa buhay. Gayundin ang mga nasa evacuation centers na wala nang naisalbang mga kagamitan. Higit nilang pinagtuunan ng pansin ang edukasyon, kung kaya’t nakalimutan nilang ikonsidera ang mga estudyanteng nagdurusa pa sa gutom at lamig na hindi na kayang isipin ang mga kinakailangan sa paaralan.

Kung nasa sitwasyon ding ganito, hindi rin maiisip at malilingilan ng mga mag-aaral ang kanilang mga dapat aralin o modules. Ang bawat isa ay mas nakatingin sa kung kalian posibleng makabalik sa mga tahanan, kailan darating ang tulong para sa pagkain, at higit pa rito’y kung kailan sila masasagip mula sa bubungan ng kanilang mga tahanan.

Sa kabilang dako, maaaring sabihin na mahalaga ang pagbibigay ng modules upang maisagawa’t mapairal ang learning continuity. Ngunit, hindi hamak na may mas mahalagang bagay na kailangang pagtuunan ng pansin sa mga ganitong pagkakataon, gaya na lamang ng buhay at pamilya.

Sa kabuuan, dapat na mas pagtuunan ng pansin ng DepEd ang mas mahahalagang bagay. Sa halip na magbigay ng mga gawain at dagdag na isipin sa mga mag-aaral, bakit hindi nila subukang magsagawa ng donation drives sa kapwa mga mag-aaral na hindi lubos na nakaapektuhan ng kalamidad. Sa paraang ito, hindi lamang pagkatuto ang magpapatuloy, kundi maging ang pagiging mabuting tao ng bawat mag-aaral.