
Katungkulan kapalit ng kaligtasan
Nagpaalab sa init ng diskusyon tungkol sa kung bakit tila mas mahalaga ang katungkulan kaysa buhay nang ipabatid ang pagkukulong sa kapitan ng barkong lumubog, kapag napatunayang inabandona ito sa kasagsagan ng pananalasa ng Severe Tropical Storm (STS) Krsitine.. Nagbigay pagkakataon ang pangyayaring ito upang makita ang butas at ipakita na hindi makatao ang patakaran ng Philippine Port Authority (PPA) patungkol sa kaligtasan ng mga kapitan at tauhan ng mga barko.
Mayrooong mga protocol na sinusunod ang PPA sa tuwing may bagyong paparating. Isa na rito ay ang hindi paggalaw o pag-alis sa puwesto. Marahil ay para ito sa ‘kaligtasan’ ng mas nakararami. Ang barkong lumubog at inabandona ay walang kahit isang pasahero o maging tauhan, tanging ang kapitan lamang ang sakay nito at naistranded sa dagat, kung saan pinaniniwalaang inabot siya ng bagyo at kinailangang umalis para iligtas ang sarili, ngunit nakatakdang ikulong kapag napatunayang ito’y kaniyang inabandona.
Sa palagay ko, ang pagkukulong sa kapitan ng barko sa kadahilanang ito ay isang malaking desisyon. Ang desisyong ito ay hindi katanggap-tanggap sa pagiging makatao, lalo na’t ang hinahangad lamang naman ng PPA ay ‘kaligtasan.’ Kung seryoso tayo sa hangaring mailigtas ang bawat isa, bakit kinakailangang ikulong ang taong ninais lamang naman na isalba ang kaniyang sarili?
Sa kabilang dako, maaaring ito ay parte ng kanilang sinumpaang tungkulin. Nakasulat din sa protocols ng PPA ang mga dahilan kung bakit hindi maaaring abandonahin lamang ang barko basta-basta. Kabilang na rito ay ang posibleng epekto nito sa ating kalikasan.
Gayunpaman, hindi pa rin sapat na rason ang sinumpaang tungkulin at kaunting pagkasira na maaari naming ding solusyonan, bilang kapalit ng buhay. Kung lulubog siya kasama ng barko, wala na rin naming pag-asa na maisalba niya pa ito. Sa ganoong paraan ay pareho lamang silang mawawala. Kaya, marapat lamang na iligtas niya ang kaniyang sarili at buhay.
Sa pagninilay-nilay, hindi makatao ang pagkukulong sa kapitan ng abandonadong barko. Marapat lamang na baguhin at ayusin ng PPA ang kanilang protocols, kung saan mas gawing akma sa ‘kaligtasan’ na kanilang hinahangad ang mga ito. Nawa’y pagtuunan nila ng pansin, hindi lamang ang kapakanan ng mga barko at kalikasan, kundi pati na rin ang buhay ng bawat tauhan at kapitan na naglalayag sa karagatan.