

Programang tapat, preparasyong sapat
Kasabay ng pagkakaluklok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos sa pwesto ay ang pagpapairal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa programang Buong Bansa Handa na naglalayong patibayin ang pagresponde ng bansa sa bawat sakunang maaring kaharapin. Inilunsad ito kasunod ng mga nakaraang bagyong Kristine na gumulantang sa kahandaan ng ating pamahalaan. Malaking hakbang ito sa pagbuo ng mas matatag at ligtas na mga mamamayan sa oras ng kahirapan.
Nakaangkla ang nasabing programa sa General Appropriations Act na nagmamandato sa paglalaan ng sapat na pondo at materyales na magagamit sa oras ng pangangailangan. Binigyang diin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na handang-handa na ang dalawang milyong food packs na naipadala na sa bawat regional warehouse at maaaring maakses buong taon. Samakatuwid, isa itong hakbang sa pagpapaigting ng preparasyon ng mamamayan at pamahalaan.
Dagdag pa rito, mas magiging madali para sa mga opisyal na kasangkot sa rescue at relief operations ang pagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan. Ayon kay Sec. Gatchalian, naroon na ang tulong bago pa man ang sakuna, kaya hindi na magiging mahirap para sa kanila na pasukin ito. Kaugnay nito, mas madaling makarating ang tulong at pagkain sa mga remote areas.
Higit pa rito, ang sapat na preparasyon ay malaking dahilan sa mas maalwang pagbangon pagkatapos ng pananalasa. Kalakip ng programang ito ang pamimigay ng cash assistance para sa mga residenteng naapektuhan ang mga tahanan at ari-arian. Dahil sa nasabing programa, nababawasan ang bigat ng pagkasirang dala ng sakuna at sakit ng mga bagay na nawala sa kanila.
Sa kabilang banda, ang dalawang milyon ay hindi sapat upang mapunan ang pangangailangan ng lahat. Bukod pa rito, hindi malinaw kung ano ang mga kinakailangan ng departamento pagdating sa pamimigay ng tulong pinansyal.
Subalit, malinis na natakpan ng DSWD ang mga kakulangang ito sa pagdating ng bagyong Kristine. Gayundin, mas maigi at sapat nang mabigyan ang nakararami at ihabol ang sa ilan, kaysa pare-parehong walang matanggap. Marapat na bumuo pa ng mga proyekto na ang layunin naman ay ang maagang pagpapalikas at pagbuo ng mas madaling puntahang evacuation centers sa panahon ng pangangailangan. Suportahan at pagyamanin ng gobyerno ang mga programa na ang nais lamang ay mapabuti ang lagay ng bawat Pilipino, lalo na sa panahon ng sakuna.
Pagkakaisa tungo sa pag-asa
Katungkulan kapalit ng kaligtasan